Tinungga ko ulit ang isang boteng San Miguel Pale Pilsen hanggang sa puntong maduduwal na ako. Binaba ko ang bote. Nilunok ang natitirang alak sa bibig. Muntikan na akong masuka. Bagay na pinanghinayangan ko dahil hindi natuloy. Ano bang silbi ng pag-inom kung hindi ka rin naman masusuka sa kalasingan sa huli?
LQ nga ba yon? Lover’s Quarrel. Tama, LQ nga. Kung lovers nga bang matatawag ang relasyon namin. Pano ba naman, tatlong buwan na kaming “on” ni halik sa pisngi man lang eh hindi pa ako pinagbibigyan?! Hindi sa nagmamadali o sadyang malibog ako pero hindi ko maramdaman sa kanya na mahal nya ako. Dahil ba una nyang nabihag ang puso ko? Tandang-tanda ko pa, sa National Bookstore sa may Recto kami unang nagkita. Sa may third floor kung saan nakalagay ang mga Filipino pocket books at mga International bestsellers na shelves. Umiiyak sya noon habang nakatingin sa hawak-hawak nyang pocket book. Nagtataka ako noon dahil alam kong hindi dahil sa hawak nyang pocket book sya umiiyak. Hindi porket wala naman talagang Filipino pocket book na nakakaiyak. Nakita ko sa mata nya ang lungkot kaya nagulat na lang ako nung nakita ko ang sarili na inaabot sa kanya ang aking panyo. Tinanggap nya ito at pinahid sa kanyang mga mata.
Sabi nya non, “Wala pang taong nag-offer sa akin ng kanyang panyo before.”
Hindi sa iniisip kong hobby nya na ang umiyak sa public pero ilang beses na ba syang umiyak ng ganito? Sino bang lalake ang hindi manlulumo kung makakakita ng magandang dilag na tulad nyang umiiyak ng ganito?
Lumabas kami non. Niyaya ko syang kumain sa Jollibee sa may Ever. Iyon lang kasi ang kaya ng budget ko to think na umaasa pa lamang ako sa allowance galing sa magulang. Wala na ang luha nya na sadya namang nagpaluwag ng damdamin ko. Mas maganda siguro sya kung nakangiti. Yung tunay na ngiti.
Ngiti na sa panaginip ko na lamang nakita…
Nagkakwentuhan kami. Nagkapalitan ng number at napadalas ang pagkikita. Madalas kaming lumabas. Sa baywalk, sa Intramuros, SM Manila, National Museum… Name it! Lahat na yata ng pwedeng puntahan dito sa maynila’y napuntahan na namin. Madalas nya akong yakapin ng mahigpit tuwing maghihiwalay na kami. Ngunit sa tuwing tinatangka kong halikan sya’y lumalayo ito. Hindi naman siguro amoy kilikili ni Godzilla ang hininga ko para layuan nya ako ng ganon.
Kinuha ko ulit yung bote ng alak. Napatingin ako sa may bandang gilid. Aba, may baso pala. Kumuha ako ng isa. Nilaglagan ko ng tatlong pirasong ice cube ito. Binuhusan ko ng beer. Hanggang kalahati lang para madaling lumamig.
Natatandaan ko pa rin noong huli kaming magkita. Linggo noon kaya sinama ko syang magsimba sa baste (San Sebastian). Habang hinihintay namin ang misa’y hinawakan ko ang kanyang kaliwang kamay. Hindi ito malambot. Hindi rin naman ito magaspang. Nagpapakita lamang na sa murang edad ay natuto na syang mamuhay mag-isa. Hindi sya makakakain kung hindi magluluto. Walang masusuot kung hindi maglalaba. Hindi makakapag-aral kung hindi magtatrabaho. Tinanong ko minsan kung anong ikinabubuhay nya. Entertainer sa isang bar ang tugon nya. Kaya pala may oras pa sya sa pag-aaral. May oras din para makapagkita kami. Aanhin nga naman nya yung ganda ng boses nya kung hindi nya gagamitin.
Nilagok ko ng isang lunukan ang kalahating baso ng beer. Iba talaga pag malamig ito. Tipong pati yung nakasabit na mga plema sa lalamunan ko’y hinahagod! Kaso may kulang.
Kailangan ko ng mangangata…
Tinawag ko ang waiter. Tinanong ko kung ano ang pinakamurang pulutan. Mani daw. Nagpakuha ako ng isa. Mga ilang minuto’y bumalik sya na may dala-dalang isang platitong mani. Pinapirmahan nya ang isang papel na nagpapatunay na bumili nga ako ng isang platitong mani. Nanlaki ang mata ko. Anak ng puta. Singkwenta pesos agad yon?! Kung tutuusin parang limang pirasong happy sa tindahan lang yun na pinagsama sa isang platito eh!
Sa simbahan. Nakasandal ang ulo nya sa aking balikat habang hinahagod ko ang mahaba nyang buhok. Gusto ko ang ganitong feeling. Yung tipong parang kayo lang yung nasa lugar na yon habang pinapakilala mo sa diyos ang babaeng mamahalin mo habang buhay.
Ngunit may mga bagay pa ring bumabagabag sa aking isipan…
Kailangan kong malaman ito. Marahan kong tinawag ang kanyang pangalan.
“Clara…” Dumilat sya at tumingin sa akin. “May gusto sana akong malaman.” Hindi pa natatapos ang sinasabi ko’y bigla syang tumayo at umalis palabas ng simbahan. Hindi ko alam pero inaasahan kong mangyayari yon. Sinundan ko sya.
“Clara…” marahan kong tawag. Hindi sya huminto. “CLARA, ANO BA?!” Matigas na ang aking pananalita sabay hawak sa kaliwa nyang braso.
“Wala kang kailangang malaman.” Matuwid na sinabi nya habang pumipiglas sya sa pagkakahawak ko.
“Gusto kong malaman kung sino ka!” Sigaw ko. Hinarap ko sya sa akin sabay hawak sa dalawa nyang balikat upang mapatigil sya sa paglalakad. Tinignan ko ang kanyang mga mata. “Gusto kong malaman kung sino ka…”
Tumahimik ng ilang saglit. Unti-unting namuo ang luha sa kanyang mga mata habang kagat-kagat ang ibabang parte ng kanyang labi. Anak ng… Sa lahat ng bagay ito ang pinakaayaw kong mangyari.
“Hindi pa ba sapat na malaman mong ikaw lang ang minahal ko? Na ikaw lang ang taong nagparamdam sa akin ng ganito?”
Nabasag ang buong pagkatao ko. Tumakbo sya palayo. Naiwan akong nag-iisip. Pilit nirerehistro ang huling mga salita na narinig ko sa kanya...
Nakakadalawang bote pa lang ako ngunit medyo nagkakatama na ako. Maganda na rin ito. Mas maaga akong malasing, mas maliit ang magagastos ko sa kahibangang ito. Nagsindi ako ng Winston sabay hithit ng malalim. Puta napasobra, nahilo ako bigla. Umaasta pa kasi akong sanay na akong magyosi gayong kakaumpisa ko lang subukan ito nung isang linggo.
Isang linggo na rin ang lumipas nung huli kaming nagkita. Hindi na nya sinasagot ang mga text at tawag ko. Aminado akong miss ko na talaga sya. Yung mga tawanan namin. Yung mga oras na magkasama kami. Yung simpleng bagay na hawak ko lang kanyang kamay.
Muli akong pumunta ng National Bookstore sa Recto. Doon sa lugar kung saan nag-umpisang magkasilbi ang buhay ko nang inabot ko ang aking panyo sa isang babaeng di naglao’y nagpaiyak na rin sa akin.
Tulad na lang ngayon…
Tumulo ang aking mga luha habang inaalala ang mga oras na kami ay magkasama. Ano bang nasa isip ko nung umasa akong magpapakita sya ngayon sa tabi ko na may inaabot na panyo? Minabuti kong umalis na lang at baka akalain ng iba’y umiiyak ako sa istorya ng Precious Romance.
Nilakad ko ang kahabaan ng Recto. Iba’t-iba ang makikita rito. Pirated CDs, galing sa magnanakaw cellphones, rush bookbinding, cedula, passport, pekeng certificates, pekeng ID, sinehan ng gustong magka-AIDS, mga “magician” na daig pa si David Blaine at mga “chessplayers” na talo si Kasparov.
Lumakad ako bandang Avenida. Tumingin ako sa tabi-tabi. Marami palang klase ng beerhouse. May mga open na puwedeng magvideoke. Meron ding mamihan. Merong beerhouse na restaurant ang style. May tambayan ng mga bading. Pero may mangilan-ngilang beerhouse na napapatigil ako at di maiwasang umisyoso. Ito yung mga beerhouse na may litrato ng mga babae sa entrance. Hindi pa ako nakakapasok dito. Wala naman kasi akong lasenggong tito na nagsasama ng mga pamangkin na kakagraduate lang ng highschool para daw mabinyagan.
Gusto kong uminom…
Hindi ko alam kung bakit pumasok sa isip ko ‘to. Hindi ko pa nararanasang uminom mag-isa. Hindi pa rin ako uminom ng walang okasyon. Tumingin ulit ako sa litrato ng mga babaeng nakapaskil sa isang entrance ng isang beerhouse.
At hindi ko pa nararanasang uminom sa ganitong lugar.
“Cool…” Sabay ngiti sa sarili ko. Gusto ko rin malasing ng sa gayon ay makalimutan ko man lang sya kahit sandali.
Tinignan ko yung nakapaskil sa tabi ng larawan ng mga babae:
Entrance fee (Table and Service) - P50.00 Pale Pilsen - P35.00 SanMig Light - P42.00 |
Tinanong ko yung bantay. Sabi nya P120.00 lahat-lahat kung gusto kong pumasok. May dalawang pale pilsen na iyon. Halos pare-parehas lang din pala ang presyo ng mga beerhouse na may mga larawan ng mga babae sa may entrance. Pinili ko na lang yung beerhouse na sa tingin ko nama’y hindi ako uuwi ng may gripo sa tagiliran.
Mga alas-diyes na rin nung nakapili ako ng mapag-iinuman. Ikaw ba naman ang first time lang sa ganito. Nahihiya ako sa mga taong dumadaan. To think na recto yon, isang dekada na ang lilipas hindi pa rin nauubusan ng taong naglalakad. Kinapkapan ako nung bantay mula ulo hanggang paa. Tinignan din ang cellphone ko kung may camera. Buti na lang wala dahil ayokong mawalay sa kauna-unahang bagay na pinag-ipunan ko. Chineck ang bag ko hanggang kalalim-laliman. Isa lang ang hindi chineck. Ang ID ko kung ilang taon na ako. Pagkatapos nya akong molestyahin at bigyan ng numero para sa bag ko, pinapasok na ako ng beerhouse.
Madilim. Ito ang unang napansin ko. Bagay na tama lang para sa mga gustong itago ang mukha sa iba. Aircon din. Sulit na rin siguro ang bayad ko kumpara sa mga ginintuang lugar ng Timog, Malate at Star City. Umupo ako sa sulok pero sinigurado ko naman na kita ang stage kung saan may babaeng nagsasayaw. May suot. Tube sa taas, skirt na sobrang igsi sa ibaba. Hindi ko talaga magets kung bakit sya nakaboots. Ayos sa kanta, “Incomplete” ni Sisqo. Hindi ko maiwasang mapasabay sa kanta lalo na sa chorus.
Mga ilang minuto’y dumating ang waiter na may hawak na dalawang boteng beer at isang bucket ng yelo. Pinapirmahan ang dalawang pirasong papel. Yung isa’y bill para sa entrance. Yung isa’y bill sa dalawang bote. Patunay ito na natanggap ko yung nakasaad sa papel kung sakaling masapian ako ng demonyo mamaya.
Natapos ang kanta. Umalis yung babaeng sumasayaw habang may panibago na namang tumutugtog sa ere. Mula sa kung saan, nagsalita yung DJ. Kaboses nya yung nagbobola ng bingo sa mga mall. Pero langya, di mo maintindihan kung anong pinagsasasabi. Pero kung magcoconcentrate ka, siguro’y maiintindihan mo lang yung pangalan ng sasayaw. Ano nga naman yung pake ng mga umiinom? Hindi naman sya yung pinupuntahan ng mga umiinom dito.
Bumalik yung babaeng sumayaw kanina. Yun pa rin ang suot.
Anak ng…
Sya lang ba yung sumasayaw dito? Tumingin ako sa paligid. May mga katable yung mga umiinom. Posible kayang sya na lang yung natitirang hindi nate-table? Kung sa pagsasayaw naman ang pag-uusapan, mas magaling pa yatang sumayaw yung bata sa may amin. Pano ba naman, nung unang kanta’y wala syang ginawa kung hindi mag sidestep.
Bumaliktad ang mundo ko sa sumunod na pangyayari.
Mga kalahati ng kanta’y unti-unting tinanggal nung babae ang suot-suot nyang tube. Natulala ako. Babaeng topless. Unang beses ko pa lang makakita nito sa personal kung hindi isasama yung sa lola kong dinaanan ng pison ang dibdib. Mga ilang sandali ay nagkamalay ako. Tinungga ko yung isang boteng beer. Hindi ito ang beerhouse na inaasahan kong papasukan ko. Balita ko kasi wala nang ganito dahil nireraid ng mga pulis ang ganitong mga klaseng beerhouse.
Speaking of raid, kinabahan ako dahil baka pasukin ito ng mga pulis. Pero hindi pa rin ako umalis. Naalala kong matagal pa nga pala ang eleksyon at hindi ngayon uso sa balita ang mga beerhouse na nireraid.
Natapos ang kanta. Nagsalita na naman yung DJ na kaboses ng nagbobola ng bingo sa mall. Nagpalit ng kanta at bumalik na naman yung babaeng topless. Ngunit this time, boots na lang ang suot! Naubos ko ang isang boteng beer ng dalawang tunggaan lamang. Pwede na pala akong sumali sa pyestahan.
Napag-alaman ko na may pattern ang mga performance ng mga babae dito. Tatlong kanta ang nakalaan sa kanila. May saplot pa sa una. Sa pangalawa’y topless na. Sa pangatlo nag-uumpisa ang totoong show. Dito kasi, wala nang suot yung babae. Hindi na rin pasidestep-sidestep ang sayaw nila. Yung iba’y umiisplit, may tumatumbling, may bumabaliktad, meron ding lumiliyad-liyad na akala mo’y nasapian ng kaluluwa ni Emily Rose. Yung iba nama’y pumupunta sa mga umiinom para magpatable. Sino nga bang hihindi sa luto ng diyos?
Napag-alaman kong P220.00 ang table kada babae nung may waiter na lumapit sa akin na may kasamang babae. Iniwan kami saglit upang makapag-usap at mapilit na rin ako upang i-table yung babae. Jasmine daw ang pangalan nya. Maganda kumpara sa mga babaeng natapos nang sumayaw. Labingwalong taong gulang pa lamang sya. Mas matanda lang ako ng isang taon. Dumating yung waiter na may dalang beer. Beer na beer. Mas mahina nga naman ang tama nito kumpara sa pale pilsen ng San Miguel. Ito ang nagsisilbing timer ng iyong katable na babae kung kukuha ka ng isa. Time’s up na pag naubos na ito. Para makapag-extend, kailangan na ulit magbayad ng P220.00 para sa beer. Iniabot nung waiter yung papel upang pirmahan ko para sa makakatable ko. Nagdalawang isip ako at nangibabaw syempre ang kakuriputan ko. Nanghinayang din ako dahil maganda yung babae. Pero napaisip kasi ako, may mas gaganda pa ba sa nilalaro kong Ragnarok Online? Mas masisiyahan pa akong laruin yun kaya no thanks. Mga ilang pilitan din ang nangyari at sumuko na yung waiter. Umalis na rin yung babae na nakasimangot na para bang kukulamin ako.
Mag isa na naman ako.
Ngayon pa lang ako naging komportable sa kinauupuan ko. Para kasing napunta ako sa ibang mundo nung pumasok ako dito. Lahat bago sa paningin. Lahat kakaiba sa nararamdaman. Tinungga ko yung pangalawang bote ng beer. Napadighay. Natahimik. Naisip ko na naman si Clara. Bakit pa kasi ako nagtangkang tanungin ang buhay nya. Siguro naman kung handa na syang sabihin ito’y hindi ko na sya kailangang pilitin pa.
“Tang'nang LQ yan…”
Tinungga ko ulit ang isang boteng San Miguel pale pilsen hanggang sa puntong maduduwal na ako. Binaba ko ang bote. Nilunok ang natitirang alak sa bibig. Muntikan na akong masuka. Bagay na pinanghinayangan ko dahil hindi natuloy…
Tatlo…
Apat na bote na ang naiinom ko. Isang dosena mahigit na ang babaeng sumasayaw sa harapan. Mangilan-ngilan na rin ang lumalabas na ng beerhouse. Yung iba’y may kasama nang chicks. Pero mas marami pa rin ang pumapasok. Hindi pa pala sumusuko yung waiter sa pagdala sa akin ng makakatable. Ilang porsyento kaya ang napupunta sa kanya sa bawat P220.00 bayad ng kostumer? Syempre, gaya ng una’y tinanggihan ko pa rin sya. Dinukot ko ang cellphone sa bulsa para alamin kung anong oras na. 4 minutes to 1am. Sabi sa nakapaskil sa labas, hanggang 4am bukas ang beerhouse. So kung kakarkulahin, Apat na beer pa ang maiinom ko. Isang dosenang pares ng suso pa ang makikita ko. At walang hanggang pagsisisi na sana’y nagpalevel up na lang ako sa Ragnarok kaysa nag-aksaya ako ng pera kung hihintayin kong magsara ang beerhouse. Kung susumahin, dalawampu’t apat na babae at mahigit pa ang nagtatrabaho sa bar na ito. Grabe, ganon karaming babae ang kumakapit sa patalim upang may makain sa araw-araw? Mangilan-ngilang beerhouse din na may mga litrato ng babae ang nadaanan ko kanina. At sa kahabaan pa lamang ng Recto ito. Natanong ko sa isa sa mga dinalang babae ng waiter na kamag-anak yata ni Bonifacio dahil ayaw pa rin sumuko sa pagdala ng babae kung magkano ang kinikita nito sa isang araw.
“Mahigit esang lebu esang araw. Sigi na koya isang bute lang naman. Kung gustu mo P1600.00 lahat kung praybit tayo sa taas.” Aba, may VIP room pa pala dito. Doon siguro nangyayari yung “hands on”. Kahit kailan ay hindi sumanggi sa isip ko na magbayad ng babae para lang sa sandaling ligaya. Hindi sa wala akong pera at kuripot ako. Natatakot pa rin ako sa sakit na pwedeng maidulot nito. Tsaka syempre iba pa rin kung gusto nung babae yung ginagawa ninyo.
Binuhos ko yung natitirang beer sa baso ko. Nilagay ko na rin lahat ng yelong hindi pa natutunaw. Last shot na ito. May tama na ako pero kaya ko pa naman umuwi nang hindi gumagapang. Tinawag ko yung waiter na papalapit at sumenyas ako sa kamay na madalas sinesenyas sa TV kung gusto nang kunin yung bill. Nalaman kong naintindihan nya naman ito nang tumungo sya sa counter. Kinarkula ko yung ibabayad ko. P120.00 sa entrance, P50.00 yung mani at P70.00 yung dalawang bote na dinagdag ko. P240.00 lahat-lahat. Presyo pa lang ito nung sisig na inorder namin sa bar na pinuntahan namin ng tropa ko last month.
Tinignan ko yung babaeng nagsasayaw. Alam kong nasa third part na sya ng show dahil wala na itong suot at kung ano-ano na ang ginagawa sa stage. Descendant yata ni Houdini.
Tapusin ko na lang yung susunod tapos sibat na ako…
Dumating yung waiter habang nagsasalita yung DJ na nag-apply sa bingguhan sa mall kaso hindi maintindihan yung sinasabi kaya dito bumagsak. Tinignan ko yung bill. P240.00 nga. Habang dumudukot ako sa wallet, pinilit ko for the last time pakinggan yung sinasabi ng DJ. Wala pa rin akong naintindihan kung hindi yung pangalan lang talaga ng susunod na sasayaw. Na gayon pa ma'y nagpatigil pa rin sa akin sa paghinga at pagbunot ng pera…
“…Claire…”
Umakyat sa stage ang babaeng angat sa nakararami. Naka two-piece bikini na may tapis sa pangbaba. May mata na napakaamo. Makikita mo dito ang halo-halong emosyon na dulot ng paghihirap. May mga ngiti na madalas kong makita tuwing kasama ko si-
“Clara…” Hindi ito dala ng kalasingan. Hindi rin ito dala ng sobrang pag-iisip sa kanya. Pinilit kong ipikit ang aking mata. Sya pa rin, walang pagbabago.
“Boss, yung bayad nyo ho.” Natauhan ako sa boses nung waiter. Inalis ko ang aking mata sa stage. Nangingilid-ngilid na ang aking mga luha. Kinuha ko ang P250.00 sa wallet habang hinihiling na epekto lang ng rugby na naamoy sa kahabaan ng mga tindahang nagbu-bookbind sa Recto kanina kaya si Clara ang nakikita. Inabot ko sa waiter ang pera sabay sabing keep the change na. Oo, naisip ko na si Clara ang nagsasayaw sa stage pero hindi ko ito hiniling at binaling ko agad sa iba ang iniisip. Lumingon ulit ako sa entablado.
Walang duda… Si Clara nga…
Tinignan ko ang positive side. At least hindi sya nagsinungaling sa akin. Isa nga syang entertainer. Pero iba ang nasa isip ko non dahil ngayon ko pa lang nadiskubre na may lugar pa palang ganito. Hindi naman kasi sya yung tipo ng babae na nagtatrabaho sa ganitong lugar. At least hindi sa mukha.
Ito lang yung positive side.
Natapos ang unang kanta. Unti-unti nyang tinatanggal ang pang itaas nya. Pakiramdam ko’y dahan-dahan namang sinasaksak ang puso ko nang makita ko ang kanyang mga mata. Tinungga ko ang natitirang beer sa baso ko. Bumalik yung waiter dala-dala ang resibo at gate pass para makalabas na ako. Sumagi sa isip kong lumabas na lang at kalimutan ang lahat nang ito. Ngunit napagmasdan ko ang mga nanonood. Lahat tahimik. Lahat hindi umiinom. Lahat nakatutok sa babaeng nagsasayaw sa entablado. Pare-parehas ang nasa isip.
Sumabog ang damdamin ko sa galit. Gusto kong dukutin ang kanilang mga mata pati na rin ang kanilang bayag. Dudurugin ko ito ng pino hanggang sa mamatay sila. Tuluyan nang tumulo ang aking luha. Pangalawang beses sa araw na ‘to. At dahil ito sa babaeng nagsasayaw ngayon sa entablado.
Natapos ang pangalawang kanta. Ito na ang hinihintay ng lahat. Maliban sa akin na hanggang ngayo’y hinihiling na hindi totoo ang nangyayari sa harapan ko. Tumugtog ang pangatlong kanta. Crazy for you sa version ng Spongecola.
Swaying room as the music starts,
Strangers making the most of the dark.
Two by two their bodies become one.
I see you through the smokey air,
Can't you feel the weight of my stare.
You're so close but still a world away.
Ito na yata ang pinakamahabang minuto ng buhay ko. Umakyat sya ng stage. Gaya ng iba’y wala na syang suot pang-ibaba.
And what I'm dying to say, is that
I'm crazy for you…
Touch me once and you'll know it's true,
I never wanted anyone like this.
It's all brand new, you'll feel it in my kiss.
I'm crazy for you, crazy for you…
Hindi mo na makikita ang pilit na ngiti na makikita mo sa kanya kanina. Alam kong nahihirapan sya. Napipilitan.
Trying hard to control my heart,
I walk over to where you are.
Eye to eye we need no words at all.
Slowly now as we begin to move,
With every breath I'm deeper into you.
Soon we two are standing still in time…
Hindi pa natatapos ang kanta’y napansin ko ang isang lalake na tinatawag ang waiter. Nang makalapit ito’y may binulong sya rito. Gusto nyang itable si Clara…
Napipilitang tinungo ni Clara ang pwesto ng lalake. Naiilang ito dahil sa ibang kasama ng lalake na nakatingin pa rin sa kanya. Umupo sya sa tabi ng lalake. Inakbayan sya nito.
Dahilan upang magdilim ang paningin ko…
Tumayo ako. Hinawakan ang isang basyo ng beer. Lumapit ako sa kanila. Hindi ko maalala kung ano ang nagawa ko. Masyadong mabilis ang pangyayari. Nakita ko na lang na nasa lapag ang lalakeng umakbay kay Clara na duguan ang ulo. Hindi ko alam kung napatay ko ito o humihinga pa.
Kung ano man sa dalawa’y hindi ko na nalaman pa…
Pinagtulungan ako ng mga kasama nya. Bugbog at tadyak ang inabot ko kung saan-saan. May nanghampas ng bote sa ulo ko. Naramdaman ko ring may tumusok na matulis sa tagiliran ko…
Habang nangyayari ito’y kitang-kita ko ang magkahalong gulat at takot sa mukha ni Clara. Hindi pa siguro nakakabawi sa mga nangyayari. Isama na rin na ako ang binabanatan.
Bumagsak ako. Nagtakbuhan palabas ang mga bumugbog sa akin. Napatakip ng bibig si Clara habang mabilis na tumakbo papalapit sa akin.
“Kailangan mo agad maipunta sa ospital!” Nangingiyak na sabi nito. Kumuha sya ng sapin para takpan ang umaagos na dugo sa tagiliran ko.
“C-clara…” Ang sabi ko. Nakatulong ang apat na bote ng beer upang hindi ko gaanong maramdaman ang mga tamang natamo. May bali na yata yung buto ko sa likod.
“Wag ka nang magsalita. Ireserba mo ang lakas mo.” Ang sabi ni Clara habang hinahawi ang buhok ko.
“May gusto akong malaman…” Naiiyak na sabi ko. Nanlalamig ang buong katawan ko. Ito yung feeling na natatae ka sa classroom kaso’y hindi ka pwedeng pumunta ng CR dahil exam nyo. Tumahimik si Clara. Nagkakagulo na sa beerhouse. Nagsilabasan na ang mga umiinom sa takot na madamay sa gulo. “Y-yung araw na nakita kitang… Umiiyak-sa bookstore…”
Marahan nyang dinampi ang kanyang kaliwang hintuturo sa aking labi. Alam nya na ang gusto kong itanong. Pinikit ni Clara ang kanyang mga mata para magpakalma. Ngunit makikita mo pa rin sa bawat pagpatak ng kanyang mga luha ang takot. “Ito yung unang araw ko na magtrabaho sa ganitong lugar. Wala akong ibang mahingan ng tulong. Wala akong makuhang trabaho. Sunod-sunod ang mga kailangang bayaran sa bahay. Nung nakita kita’y gumaan kahit papaano ang nararamdaman kong hirap. Mahal kita. Ayokong dampian ang mga labi mo pagkatapos ng mga lalakeng nagparaos sa akin…” Lumingon si Clara sa mga kasama niya. “Tumawag kayo ng ambulansya!”
“G-giniginaw ako…” Nanginginig kong sabi. Inaantok ako. Gustong nang pumikit ng aking mga mata. Pumikit ka na para matapos na ang mga paghihirap mo… Pero sinasabi ng isip kong may kailangan pa akong sabihin. Baka ito na ang huling beses na masasabi ko ito. Niyakap nya ako ng mahigpit. Nilagay nya ang ulo ko sa kanyang balikat. Naramdaman ko ang init ng kanyang katawan. Mga yakap na hinahanap-hanap ko nung nawala sya sa buhay ko. Niyakap ko sya ng kaliwa kong kamay. Hindi ko na maigalaw ang kanang kamay ko. “P-puwede kang ampunin ng mga magulang ko. Mababait yung mga yun. H-huwag mo nga lang dudumihan yung bahay. Magagalit si mama. Uwian mo lang yun ng pocket books, magkakasundo na ulit kayo.”
Pinipilit kong ngumiti. Patuloy na bumubuhos ang mga luha sa aking mga mata. Kahit hindi ko nakikita ang mukha ni Clara’y nararamdaman ko pa rin ang lungkot sa kanyang puso.
“M-marami akong pocket books sa bahay.” Ang tugon nito...
Sabi nila bago kaw daw mamatay, makikita mong parang lumang pelikula ang mga bagay na nangyari sa buhay mo. Karamihan daw yung mga magaganda. Yung iba’y mga bagay na pinagsisihan mo. Isang bagay lang naman ang naaalala kong maganda sa buhay ko. Ito yung araw na nakilala ko si Clara. Nabuhay ako ng labingsyam na taon pero ewan ko ba kung bakit ito lang ang naaalala. Yung iba siguro’y naging maliit lamang na parte ng buhay ko.
Pero hindi ito ang nakikita ko ngayon…
Gumraduate si Clara sa kolehiyo habang sinasabitan ni mama ng medalya. Nagkatrabaho sya ng maganda. Nagkaasawa ng responsableng ama na magmamahal sa kanya. Nagkaroon sila ng sariling bahay at lupa. Nagkaanak ng kasing ganda nya…
“M-mahal kita… Ingatan mo ang sarili mo.” Inaantok na ako kaya pinikit ko na ang mga mata ko. Tutal naman alam ko nang maganda ang naghihintay na buhay kay Clara kahit hindi na ako magising pa.
Minsan yata talaga sa buhay ng tao, may pagkakataong maging katulad tayo ng babaeng hubo’t-hubad na nagsasayaw sa beerhouse na may mga litrato ng mga babae sa entrance. Kailangang kumapit sa patalim. Sa pagkakataong ito’y kailangang kumapit sa nagtatalimang mga tingin ng nanonood sa iyo. Wala nang matitirang itatago sa katawan mo kung hindi ang totoong pagkatao mo. Sa bawat beat ng tugtog, unti-unti mo nang nakakalimutan kung sino kang talaga. At sa 3rd part ng show, may taong tatayo at ipapaalala ang mga simpleng pangarap mo. Sa 3rd part ng show, kung saan akala mo’y patuloy nang masisira ang pagkatao mo’y unti-unti mo namang malalaman na sinusubukan ka lamang ng nasa itaas. Mamamalayan mo na lang, buhat-buhat ka na niya. At sa huli, kung saan ika’y nasa rurok na ng tagumpay, marerealize mo na lang isang saglit na wala ka sa kinatatayuan mo kung hindi mo naranasan ang pagiging babae na hubo’t-hubad na nagsasayaw sa beerhouse na may litrato ng mga babae sa entrance…
Mahal kita...
Marami nang dugo ang nawala sa katawan ko. Huminga ako ng malalim dahil nalulunod na ako sa dugong lumalabas sa bibig ko. Ito na rin siguro ang huling hinga ko. Naubo ako. Hindi na ako makahinga kaya’t pinisil ko ng mahigpit ang kamay ng babaeng tunay na minahal ko. Pinipilit ko pa ring ngumiti para naman pogi ako sa huling alaala ko na kasama sya.
Hindi ko na narinig ang tugon nya sa sinabi ko ngunit may ideya na naman ako kung ano ito..
No comments:
Post a Comment